Pages

Monday, October 25

Botohan.

       Lahat naman ng tao nagkakamali. Hindi lang ako, ikaw, o sila. Pero ang mahalaga e kung papaano tayo babangon at haharap sa mga pagkakamali na iyon. Hindi nasusukat ang buhay sa kung gaano kadami ang nagawa mong pagkakamali at kasalanan sa iba at sa sarili mo, kundi kung gaano mo ito pinagsisihan ang mga sandaling minsang bumago ng buhay mo sa bawat araw na ikaw ay humihinga.

      Tinangka akong gisingin ng maaga ni mama kanina. Lunes ngayon, October 25, eleksyon ng kapitan at kagawad. Pero matatag ang paninindigan ko sa pagkakatulog, hindi ako nagpadala sa emosyon ng nanay ko na nung mga panahon na iyon ay malapit na akong hilahin pababa sa hagdanan. Pilit ko pa ding pinupuno ang kulang-kulang kong tulog simula ng mabuhay ako sa mundong ito. Nang magising ako e kumain muna ako at bumoto na. Mainit. Yun lang marahil ang masasabi ko. 

      Pagsapit namin sa Gate ng school, sinalubong na kami ng mga taong nagbibigay ng Flyers. Nakakatuwa dahil bago ako umalis ng bahay kanina e napanuod ko pa na bawal na ang pamimigay ng flyers at pagsusuot ng mga damit na merong pangalan ng kandidato simula pa kahapon. Mga tiga-Bagac nga naman. 

      Nagtuloy tuloy na kami at huminto sa tapat ng mga kandidatong nanghaharang. Sabi ni mama ko andun daw ang ninang ko, dahil sa hindi naman ako mahilig magikot ng mga mata sa paligid, nagmano na lang ako sa kung sino ang nasa harap ko. Patay malisya pa ako kahit alam kong hindi ko naman ninang ang pinagmanuhan ko. Siguro ay nabigla din sya, buti na lang at kandidato sya at hindi sya makaangal. Medyo matanda na sya kaya pinapagpalagay ko na lang na malilimutan nya din yun. Pagkatapos naming bumoto sa presinto namin na hindi na ata inaabot ng sibilisasyon sa sobrang layo, palihim akong nangingiti sa sarili ko dahil sa kahihiyan na ginawa ko. :D

       Dahil 2nd time voter pa lang ako, inaamin ko na nangangapa pa ako. Hinihintay ko si mama kung anung susunod nyang gagawin. Sa tingin ko naman ay effective dahil pasimple lang namn style ko e. Tanda ko pa ang number ko, dahil kanina lang naman yun e. Pang-99 ako! Parang patis lang.

     Sa pagmamadali ko at dahil sa pag-iisip ko na 'Basta makaraos', kung sino na lang ang nilagay ko at kung sino ang nangharang sa amin kanina ang sinulat ko sa aking balota. Nung hindi ko napuno, e tumingin ako sa gitna ng listahan at sinimulang isulat ang mga pangalan mula doon hanggang sa pinakababa. 

     Malapit na kami sa bahay ng maalala ko na nakalimutan ko pa lang isulat ang pangalan ni 'ate Osie', (wag naman sana akong isumbong ng mga makakabasa nito!) 'Bat ba kasi nalimutan kong tanungin ang totoong pangalan nya beforehand. 

    Ang lahat ay hindi nadadala sa pagmamadali kahit na madalas e mas maganda naman talaga ang mas mabilis. Pero hindi sa lahat ng panahon e ginagamit ang ganitong panuntunan. 'Bat di muna nating subukang kilatisin ang ang mga bagay sa ating paligid. Siyasatin, obserbahan, titigan, ng sa gayon ay mas makita natin ang iba't ibang angulo ng buhay. Mas makapamili ng mas maganda, at mas mapapakinabangan. 
    
    Ang iba sa inyo ay ganito marahil ang panuntunan sa buhay, ang iba ay hindi. At para dun sa mga hindi, gaya ko, subukan natin na sa susunod na eleksyon iayos ang ating pamimili, magfocus at magisip muna para maging tama ang mga desisyon...




0 comments: