Panatag na akong nakahiga at hindi inaalala kung aatend ba ako sa Gala Night namin sa Rizal. Sine-celebrate ang linggong walang duty. Kundi lang sa mga totoong hayup kong kaibigan na nagbigay uli sa akin ng idea na umattend sa Gala Night na yan. Hindi pa din ako naghanap ng susuoting filipiñana at naghihintay pa din sa isang himala. Kinagabihan pag-uwi ni mama ko,  inaya ko sya na maghanap ng aking susuotin. Bute naman at naging mabait at masunurin sya ng mga oras na iyon.



Nagimula kaming mgahanap, unang stop, kila Tiya Caring. Okay wala sila. Kila Ate Belen daw.
Second stop. Ate Belen. Ay sayang, maganda sana kaso hindi kasya sa akin.
Third stop. Bag-bag. Hai naku! Naunahan na daw ako.
Fourth stop. Mrs. de Leon. Naitapon na daw.
Fifth stop. Kila Barok. Hai naku meron daw kaso naipahiram na.
Sixth stop. Kila Ate Chato. Napaputol na daw.



Natatawa ako habang nagiikot kami sa buong bayan. Naiistress na kami ni mama. Madami din akong nalaman sa bayan ng Bagac. Ang dami ko palang hindi alam sa mga taong umiikot sa akin habang nakatira ako dito sa may kanto ng Lerma. Ang daming taong hindi ko kakilala. Ang daming lugar na hindi ko na nadadaanan. Ang daming bagay na hindi ko pa nakikita.

May bargain na pala, at ang dami na nila. Hindi ko pa alam fiesta na pala. Tatay ni kuya dante, hindi ko kakilala. Nagmano ako nung nagmano si mama, nakikisunod lang sa uso. Si kapitana, konsehal na pala. Ba’t kasi parang hindi ko sya nakita sa balota nung bumoto ako. Si Ate Chato, sya yung nagtitinda ng hotdog sa palengke. Feeling ko malaki kita dun, nakita ko pera nya e, ang dami. Si Mrs. de Leon nanay pala ng ninang ko. At nilalaban pa daw yun nung kapanahunan nya. Matanda na sya ngayon, lipas na ang ganda hindi tulad ng ugali, tumanda ka man e hindi mawawala.

Minsan o kadalasan, dapat ko din pa lang lumabas sa aking comfort zone. Makakilala ng iba’t-ibang klaseng tao, lugar, bagay at mga pangyayari. Hindi lang sa loob ng classroom nakukuha ang karunungan. Ang  totoong leksyon  ng buhay e nasa labas ng classroom, ng paaralan o bahay. Hindi nasusukat ang talino sa mga librong nabasa mo o kung pangilan ka sa ranking nyo sa school, kundi sa pakikisalamuha mo sa tao, at sa ugali mo.

Kahit na masasabi kong bigo ang paghahanap namin ng damit na aking isusuot. Kahit mahigit sampung beses paulit-ulit ni mama na sabihin sa akin at sa makakausap nya ang, “Eeeetooo kaaassii, kung kailan gagamitin dun maghahanap!!!”. With matching emotions pa. Kahit napagod din ako sa paglalakad. Kahit na sa super disappointment ko e gusto ko na talagang umiyak. (Bute may mga bagay pa rin na nagpapatawa sa akin).Feeling ko panalo pa din ako. (Andrama ko!) Dahil sa dami ng mga natutunan kong totoong leksyon ng totoong buhay.